
Alam natin kung ano ang kalingkingan. Ito ay ang pinakamaliit na daliri sa ating kamay. Ito ang pinakawalang halaga sa limang mga daliri at kung mayroon man ito ay kadalasan ay maruming gawain tulad ng pangkuha ng dumio kulangot sa ilong, pang-alis ng tutuli sa tainga. Ang kalingkingan ay siya ringpinakamahina. Ang wika nga ng tao kapag ang isang bagay ay kayang bitbitin ng kalingkingan, ito bagay na ito ay napakagaan at pipitsugin lamang at kayang dalahin ng ibang mga daliri at maari pang dagdagan ng bigat.
Ang kalingkingan ay malayo sa bituka at ika nga kapag ito ay nasaktan o nasugatan ay maari ng bale-walain. Ngunit hindi natin maitatatuwa na kapag ang panakamaliit, pinakamahina, pinakawalang halagang daliri ng kamay ay naapektuhan, ang buong katawan ay nakadaram ng sakit. At dito natin napulot ang kasabihang ” Ang sakit ng kalingkingan, damdam ng buong katawan. “
Ang paksang kasabihan na ito ay may malaking kahalagahan at malalim na pahiwatig sa bawat tao kung lilimiin natin ang kahulugan nito. Ang kasawian ng
isang Filipino sa ibang bansa ay ikanababahala ng buong bansang Filipinas. Ang isang probinsiyano kapag nakagawa ng krimen sa ibang probinsiya ay nakabahid sa reputasyon ng pinanggalingang lalawigan.
Ang isang taga-siyudad kapag nagkasala sa ibang siyudad ay nagdadala ng kahihiyan sa pangalan ng buong lugar. Ang pinakamaliit na bahagi ng bansa, ang familia, ay naaapektuhan kapag ang isang miembro nito ay naliwas ng landas, nagnakaw o nakapatay ng tao, ang magandang pangalan ng familia ay narurumihan, naruruyakan at nasisira sa harap ng buong madla. Sa kabilang dako naman kung isang karangalan naman ang natamo ng isang Filipino sa ibang bansa, ang buong Filipinas ay nagdiriwang.
Kung ang isang probinsiyano ay nagtagumpay sa isang larangan siya ay ipinagdiriwang ng buong probinsiya, gayundin ang isang tag-siyudad na naging matagumpay ay ipinagbubunyi ng buong siyudad. Kadalasan nga ay ipagpaparada siya sa buong lungsod o probinsiya at bibigyan ng parangal at iginagawad ang simbolong susi. At hindi pahuhuli ang isang familia ng pagdiriwang at pagbubunyi kapag ang isang miembro nito ay nagkamit ng karangalan at tagumpay.
Kaya ang kasabihang” Ang sakit ng kalingkingan, damdam ng buong katawan ” ay hindi lamang patungkol sa katawan kundi sa buong society o sambayanan. At maari din natin sabihing hindi lamang sakit ng kalingkingan kundi pati na ang ginhawa o kaaluwalhanan ng kalingkingan ay damdam ng buong katawan.
Reference: https://muntingnayon.com/101/101570/