,

May pakpak ang balita, may tainga ang lupa

Sinulat ni: Ven Del Pilar Faundo,KCR

Itong kasabihang ito ay madalas nating marinig kapag ang isang pangyayari ay nabalitaan agad ng maraming tao. Ang balita ay mabilis kumalat at parang hindi maaring mailihim ng matagalan. Ang pinakakatagong lihim ng pagtama sa isang loterya ay nabubunyag at ang isang tismis ay madaliang kumakalatat magpasalin-salin.

Noong mga nakararaang panahon na wala pang radyo, television at telepono, siempre wala pang computer at mabibilis na uri ng paglaklakbay, ang mga balita at mensahe ay madaliang pinapadala at kinakalat sa pamamagitan ng pakpak ng turuang kalapati o kung minsan ay sa alagang falcon. Itinatali ang mensahe sa paa ng ibon. At kung hindi nagmamadali ay itinatakbo ng tao tulad sa Marathon Greece, sa bapor o bangka, at sa Kanluran sa pony express na naghahalinhinan ang mga kabayo. Mayroon din namang nagpapadala sa pamagitan ng usok sa kaparangano pagtambol na naipapasa sa ibang mananambol ng gitna ng kagubatan.

Ang lupa naman ay nagagamit din upang marinig ang balita o pangyayari kahit na ito ay nasa malayo. Inilalapit ang tainga sa lupa upang maramdaman ang yanig, yabag o kaluskos at sa mga sanay at bihasa nalalaman nila kung ilang mga tao ang naglalakad o nangangabayo at kung gaanong kalayo sila. Tila bagang ginagamit nila ang kanilang tainga na parang kadugtong ng lupa para makasagap ng balita.

Sa kasalukuyang panahon, ang radyo, television, ibat-ibang uri ng telepono at computer ay nagtutulong-tulong na maghatid at magkalat ng balita at mensahe sa buong daigdig. Ngunit nadirinig parin natin ang kasabihang ” may pakpak ang, may tainga ang lupa “. Itong kasabihang ito ay may katotohan parin bagamat ito ay may halo ng nostalgia ng nakaraang simpleng panahon. Huwag nating ipapasintabi ang natatagong paala-ala ng naturang kasabihan na ingatan ang mga sinasabi natin tungkol sa ating kapuwa lalo na ito ay may bahid ng kasamaan at paninirang puri sapagkat ” may pakpak ang balita, may tainga ang lupa “.

Reference: http://muntingnayon.com/101/101908/index.php

Leave a comment


Design a site like this with WordPress.com
Get started